Monday, 27 August 2012

Dekada '70


Totoo sa titulo nito, tinatahak ng nobela ang ilang mahahalagang pangyayari sa buong dekada '70, ang di-malilimutang radikal na panahon sa Pilipinas. Nagsimula ang nobela sa taong 1972 nang isailalim ni Pangulong Marcos sa Batas Militar ang buong kapuluan at isuspendi ang Writ of Habeas Corpus.

Sentro ng nobela ay isang pangkaraniwang burgis na pamilya, ang mga Bartolome, na natagpuan ng bawat miyembro ang kanilang sarili na may iba't ibang reaksyon ukol sa mga nagaganap sa lipunan. Ikinukwento ang nobela sa punto de vista ni Amanda Bartolome, ina sa apat na anak na lalaki, at housewife kay Julian Bartolome. Sa pamamagitan ng mga kwento ni Amanda tungkol sa apat na anak, naipapakita ng nobela ang mga piniling reaksyon at buhay ng mga bata upang tumulong baguhin ang magulong lipunan: ang panganay na si Jules na tuluyang naging rebelde; ang sumunod na si Gani na piniling sumapi sa US Navy; ang matalinong si Em na piniling maglabas ng kanyang mga opinyon sa pagsusulat; ang paboritong si Jason, malambing at mabarkada, ang sumapit ng malagim na kapalaran; at ang bunsong si Bingo na nagkaroon ng interes sa pagiging pulis o imbestigador. Ang mag-asawang Bartolome, sa tagong paraan man, bilang mga mapagmahal, maintindihin at liberal na mga magulang ay nakapagambag din ng tulong upang magkaroon ng pagbabago sa dekada '70.


Kung sa mga batang Bartolome, ang pag-aaral sa mga unibersidad ang nagmulat sa kanila ng mga mali sa lipunan, ang impluwensya marahil ng progresibong lipunan ang nagturo naman kay Amanda na ikwestyon ang mga dating konserbatibo at di-pantay na pagtingin sa mga babae. Isang aspeto din ng nobela ay ang mga femistang ideya at opinyon ni Amanda Bartolome. Nagi itong dagdag na metaphor tungkol sa pagkamulat ng isang tao sa kamalian ng lipunan na kanyang kinabibilangan. Sa katauhan ni Amanda, unti-unti niyang natutunan ang pagtatanong tungkol sa mga karapatang pambabae:
"Maaring Bartolo ang apelyido ko o Cruz o Santos-- pero apelyido 'yon na minana ko lang sa tatay ko, at minana ng tatay ko sa tatay niya. Oo nga pala,bakit puro sa tatay nagmamana ng apelyido? Bakit kahit minsan, hindi sa nanay?"

Ang mga bagong ideya ni Amanda ang nagdala din ng tensyon sa relasyon at pagsasama nila ni Julian. Subalit, 'di gaya ng sinapit ng pamahalaang Marcos laban sa mga mamamayan, mas naging payapa ang pagkakasundo ng mag-asawang Julian at Amanda sa katapusan.

Maayos na binigyan ni Lualhati Bautista, ang may akda, ng matibay na dahilan ang bawat aksyon na pinili ng mga karakter. Sa ilang senaryo ng pakikipag-usap o pakikipagtalo ng mga bata kina Julian at Amanda, nagkakaroon ng pagkakataon na masulyapan ng mambabasa ang tunay na isyung panlipunan. Dahil dito, tila isang expose din ang nobela na tumutukoy sa maraming pang-aabusong ginawa ng mga dayuhang negosyante, bansa at pandaigdigang samahan laban sa mga Filipino. Isang halimbawa nito ay ang panggigiit ng World Bank at International Monetary Fund na gawing "export-oriented economy" ang Pilipinas:
"Sinusulat ko ito ay nakasampa na sa $17B ang panlabas na utang ng Pilipinas, partikular ang World Bank at International Monetary Fund, dalawang international lending institutions na bagama't kapwa binubuo ng lagpas isandaan at tatlumpung member countries ay kapwa din dominado't kontrolado ng Amerika."
Sa bawat henerasyon ng isang nasyon, may iilang rebolusyonaryong nobela ang nakakapagpinta ng tunay na kalagayan ng kanyang kapanahunan. Gaya ng Noli Me Tangere sa panahon ng mga Kastila sa Pilipinas, ang Dekada '70 naman ang kasama sa mga espesyal na nobela na nagpapakita ng naging buhay ng mga Filipino sa ilalim ng rehimeng Marcos.

Pero ang babae (ang tao, for that matter), talian man ang katawan o suutan ng chastity belt, ay may uri ng kalayaang hindi mananakaw ng kahit sino; ang kalayaan niyang mag-isip.



3 comments:

  1. i like this movie so much, made me cry in the end.. :))

    ReplyDelete
    Replies
    1. That reminds me, I haven't watched the movie yet but I've heard that it was touching. :)

      Delete
  2. ano bang maibibigay nyung deskripsyon pra ky amanda???



    ass. kc namin..??!!

    ReplyDelete